“bonifacio: ang unang pangulo”: mula sa puso ng mga tunay na PILIPINO


Hanggang ngayon, tunay na umiiral pa rin ang tinatawag na COLONIAL MENTALITY sa diwa ng mga Pilipino. Mas mahal pa rin nila ang kultura at mga pag-aalay ng mga dayuhang nagtangkang manakop sa ating bansa. Mga pang-eengganyo nilang PEKE at may kakaibang intensyon upang akitin lamang ang bawat Pilipino. Na siya yatang malinaw na nangyari ngayon sa nagdaang Metro Manila Film Festival?

Paano mo ba mamahalin ang sarili mong pagkatao kung mas aakapin mo pa rin ang isang pelikulang mas tahasang ipinakita ang kamalian ng kulturang Pilipino? Na kung saan, ang bidang lalaki roon ay lumaki sa ibang bansa at siya pang nabigyan ng mas ganap na “glorification” sa kabuuan ng pelikula?

At ‘yun nga, kaya namin nasabi na ganu’n nga ang nangyari sa nagdaang MMFF awards night, ang aktor at ang aktres na nanalong Best Actor at Best Actress sa pelikulang iyon ay tila sinasamba pa ng karamihan ngayon dahil sa mga “estupidong” (?) mga papel na kanilang ginampanan! What a clear case of “Colonial Mentality”!

Tunay na nakakasama ng loob. Kaya naman nang panoorin namin ang pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo, mas nadama namin ng husto ang kamaliang itinuro ng mga banyaga na tila hanggang ngayon, naging “habitual thinking” na ng bawat Pinoy.

Mas pipiliin nilang magpa-alipin sa kultura ng iba, ipakita ang kamalian ng sarili nilang pamilya, magmahal ng mga taong hindi naman nararapat sa kanila. O kaya, magpunta na lamang sa ibang mga bansa upang maging isang ganap na Japayuki o Domestic Helper o TNT? Nakakalungkot pong talaga.

Salamat naman at medyo puno ang loob ng sinehan nu’ng mapanood namin ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Nangangahulugan lamang na marami pa rin ang naniniwala sa tunay na kultura at damdamin ng isang Pilipino. 

Napakaganda ng screenplay ng pelikulang ito, kuhang-kuha ng mga sumulat ang tunay na damdamin ni Andres Bonifacio. Ang kanyang malinis na adhikain para sa mga kapwa niya Pilipino, ang mga pananalitang maiikli man, pero tumatagos naman sa puso. Hahanapin namin mismo sina Rody Vera, Enzo Williams, Carlo Gallen at Keiko Aquino (maski hindi pa namin sila kilala, at tanging si Ginoong Rody Vera lamang ang kakilala namin) upang batiin sila at pasalamatan sa napakagandang screenplay ng pelikula. Isang screenplay na hindi hinaluan ng komersyalismo at kompromiso, kundi isang screenplay na malinis, tapat at matapang.

Kung sa stage play version ng Philippine Stagers Foundation ni Vince Tanada, na pinamagatang Bonifacio: Isang Sarsuwela (itinanghal nung taong 2013) ay ipinakitang wala lamang nagawa si Heneral Emilio Aguinaldo sa kanyang mga alipores kung kaya’t napa-payag na siyang ipa-patay si Bonifacio, dito naman sa Bonifacio: Ang Unang Pangulo, tahasang ipinakita na mismong si Heneral Aguinaldo nga ang nag-utos na patayin ang dakilang bayani. Direkta, marahas, walang kinatatakutan ang mga manunulat nito na ilagay sa tama at naaayon ang naging tunay na kasaysayan ng bansa. Kaya “hats-off” kami talaga.

And direksyon ni Enzo Williams ay banayad, makatarungan at eksakto. Hindi siya nagpaka- “O.A.” (over-acting) sa eksekusyon niya sa malalaking highlight scenes ng pelikula. Pero sa tuwing makikita naming nagtatakbuhan na ang napakaraming Katipunerong lumaban, tama ka, Ginoong Dindo Balares (ng Taliba tabloid), hindi namin nakontrol ang tahimik naming pag-iyak at pagluha. Tusok na tusok, direk Enzo. Bawat ekstrang tumatakbo ay puno ng emosyon at damdamin, walang nagkamali, walang naging mahina. Napakahirap i-direk ng eksenang ito, at dito kami tuluyang pinahanga ng baguhang direktor na si direk Enzo.

Sa mga malalaking eksena ng pelikula, umagaw ng atensyon ang dalawang supporting actors ng pelikula- sina Joem Bascon (bilang Emilio Jacinto) at Junjun Quintana (bilang Procopio Bonifacio). Maski malalayo ang full shots at camera angles, umiigting sa damdamin ang emosyon nila- si Joem, intense. At si Junjun, kalmado pero napakalalim. Sa muli, nabigyan nila ng ganap na hustisya ang mga karakter na ginampanan nila.

Isa pang kahanga-hanga sa pelikulang ito ay ang maikling pagganap ni Jericho Rosales bilang Dr. Jose Rizal. Bagay na bagay kay Jericho ang kasuotan niya na a-la Rizal. At ang mga mata niya’y nangungusap, malamlam pero nagbibilin. Kakaiba!

Ang sinematograpiya ng pelikula ay pambihira. Mararamdaman mong nandu’n ka talaga sa eksena at mai-imagine mo ang napakagandang Pilipinas nuong panahon pa ng Kastila. Mala-birhen ang ganda, inosente, mapang-akit…

Si Vina Morales, bilang Oryang (Gregoria de Jesus) ang dapat na nanalong Best Actress nu’ng nakaraang Metro Manila Film Festival. Ang bawat eksena niya’y nagmamarka, nang-aagaw ng atensyon, nakapag-bigay ng mas makulay na pagtingin sa kasaysayang ito ng Pilipinas. Yung isang eksena ni Vina na kumatok siya sa pintuan ni Hen. Aguinaldo upang magmakaawa ay damang-dama namin. Pati na ang kanyang naging pag-iyak sa katapusan na kung saan ay pinagsarhan na siya ng pintuan ni Aguinaldo. What a superb cry! So powerful!

‘Yun ba ang matatalo sa isang kalabang aktres na hindi man lang magawang pakulubutin ang kanyang mukha kapag umiiyak na? Na walang ginawa sa pelikula niya kundi ang magpaka-luka-luka? isang malaking insulto ito sa larangan ng sining! She’s a “fool”!

Anyway, bukod kay Vina, isang kasamahan niya sa pelikula ang siyang nagbigay ng GANAP NA KALULUWA sa pelikulang Andres Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Isang aktor na lagi na lamang namarkahan ng pagiging isang barumbado, gayong sa totoong buhay naman, siya’y isang mapagmahal na indibiduwal…. walang iba kundi si ROBIN PADILLA.

Si Robin at si Andres Bonifacio ay naging IISA lamang sa pelikulang ito. Ang tunay na alagad ng sining, sa bandang huli, ay nakuha ang isang kaganapang papel sa kanyang tinagal-tagal sa industriya (kasabay na kasabay po ni Robin ang blogger na ito na pumasok sa mundo ng showbiz).

Dahil sa pelikulang ito, ipinakita ni Robin ang pagmamahal niya sa kanyang sariling LAHI. Ang kanyang naging pakikipaglaban sa kabutihan at katarungan…

ng bawat maka-sining na PILIPINO,

mula sa puso ng bawat Pilipino, 

at,

ng bawat PILIPINONG lalalaban at lalaban pa rin upang ituwid ang tunay nilang KAANYUHAN.

 

MAGPAKAILANMAN.

 

(sinulat ni robert manuguid silverio, kasama si “goyo” at iba pa nilang mga kaibigan, sa petsang Enero-a-singko, 2015. Iniukit sa dimensyon at panahong tanging sila lamang ang nakakaalam).

the real andres bonifacio
the real andres bonifacio

robinx1 robinx2 robinx3 robinx4

 

One thought on ““bonifacio: ang unang pangulo”: mula sa puso ng mga tunay na PILIPINO

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s