a last look at “e-boy”…

Maganda, makabuluhan, siksik sa nilalaman…

Ang teleseryeng “e-boy” ay isa sa mga teleseryeng naaakma para sa mga bata, sa mga magulang at sa mga kabataan.

Kakaiba ang texture ng  programang ito. Seryoso ang approach, malalim kung minsan, pero nakaka-entertain.

"e-boy": art imitates LIFE.
bugoy carino: napakahusay sa "e-boy".

Bagay na bagay kay Bugoy Carino ang kanyang papel na robot. Kuhang-kuha niya ang mga akmang emosyon ng isang batang robot na may pusong tao at kaisipang maka-Diyos na nagnanasang maging isang tunay na tao rin balang-araw.

Huling linggo na ng “e-boy” sa linggong ito. Nakatakdang magwakas na ang programa at ang istorya. Nakakapanabik na malaman kung ano ang kahihinatnan ng karakter ni “e-boy”. Siya ba ay mapapatay ng salbaheng karakter ni Jomari Yllana (na napakagaling sa teleseryeng ito bilang isang salbaheng tao) o magiging tao rin sa bandang huli?

Kapuri-puri ang direksyon nina direk FM Reyes at direk Nick Olanda sa teleseryeng ito. Mabilis ang takbo ng istorya, hindi pa-ulit-ulit o paikot-ikot, na tulad sa ibang teleseryeng napapanood namin. Laging may nangyayaring bago at naka-capture ng mga direktor ang tunay na damdamin ng bawat eksenang pinapakita.

Mararamdaman mo na may mga puso ang mga direktor ng teleseryeng ito na sina direk FM reyes at Nick Olanda. Tipong gumagawa sila ng isang teleserye hindi upang magpataas lang ng rating o gawing komersyal, pero gumagawa sila ng teleserye para magbigay ng magagandang mensahe ukol sa buhay ng isang bata.

Kapuri-puri rin, bukod kay Jomari, sina Agot Isidro at Ariel Rivera. Nagtataka kami kung bakit napaka-underrated ng dalawang artistang ito samantalang napakagaling nilang mga artista.

Pati na ang mga batang aktor na kasama ni Bugoy sa cast ay pawang magagaling din. Ang pag-arte nila ay pambata talaga at hindi “fake” ang dating, o kaya’y hindi “pilit”. Si Bugoy Carino ay napaka-sensitibong umarte. Napaka-natural. Malayo ang mararating ng batang ito. Siya ang huling nakasama ni AJ Perez (r.i.p.) sa pagganap via the “Tsinelas” episode ng Maaalaala Mo Kaya. At pareho silang napakagaling ni AJ doon.

direk fm reyes: soft spot for "e-boy".

Si direk FM Reyes ay minsan nang nawalan ng isang anak (ang baby child nilang si Jesu, tanging anak nila ng kanyang asawang aktres na si Rita Avila), kaya naman siguro napaka-espesyal sa kanya ng “e-boy” dahil ito’y tumatalakay sa damdamin ng isang bata at sa damdamin rin ng mga magulang.

At ito rin siguro ang naging dahilan kung bakit nakakatusok sa puso ang bawat eksenang nasaksihan namin sa “e-boy”.

Panoorin natin ang nalalabi pa nilang mga episodes sa linggong ito.

words by robert manuguid silverio