Pasinaya 2013 – Bayanihan Philippine National Folk Dance Company “People Under the Sun”
(Na-publish noong Peb 3, 2013 sa YouTube.Com
This video recorded the live perffromance of the Bayanihan Philippine National Folk Dance Company at the Pasinaya 2013 last February 3, 2013 held at the Main Theater of the Cultural Center of the Phils.)
ISANG BUHAY.
Umaga. Sa loob ng isang mahabang pasilyo ng tren. Ang MRT papuntang Recto Avenue na istasyon, galing ng Santolan. Sa maamong mukha at mga ngiti ng isang pasaherong nakaharap sa akin at nakatayo’t nakasandal sa gilid ng salamin ng tren, nalaman ko nang ang araw na iyon ay magsisilbing araw ng ISANG BUHAY para sa akin.
Nakasuot siya ng isang kulay-asul na t-shirt. Nakalagay sa T-shirt na iyon- “Beat La Salle”. Marahil, siya ay isang estudyante ng Ateneo. Oo nga siguro.
Napangiti ako sa binatang nakasuot ng t-shirt na ‘yun. At ngumiti rin siya ng pabalik. Wala akong pakialam sa iisipin ng iba ng tanungin ko sa kanya- “Atenista ka?”
Ngumiti lang siya. Sabay sabing: “Papunta ako ng Pasinaya, sa CCP.”
Napakaliit naman ng mundo. Doon din ako papunta, e.
ISANG PANGARAP.
Biglang nawala ang binatang lalaking ‘yun. Isang iglap. Ang akala ko, sa istasyon ng Recto siya bababa, dahil konektado na yun sa isa pang tren papunta namang Taft Ave. Pero nawala ang binata nu’ng magpasukan naman ang isang grupo ng mga estudyanteng naka-t-shirt naman ng pula. Marami sila. Iniisip ko, baka mga taga-Mapua o taga-San Beda? Pula kasi, e. Di ko na nagawang magtanong pa dahil panay ang ikot ng paningin ko sa binatang taga-Ateneo. Nasaan na kaya siya?
“Naku mage-enjoy tayong lahat sa Pasinaya!”, tili ng isang babaeng sobra sa pananabik. “Baba tayo sa Recto at lalakad tayo sa Doroteo Jose na istasyon para sa tren na papuntang Vito Cruz!”
Tilian pa ang ibang mga babae. Gagalingan daw nila ang pagsayaw. Yung isa naman, umawit pa at nag-praktis kumanta sa loob ng tren.
“Matutupad na ang pangarap natin!”, tili naman ng isang binatang kasama nila.
Oo, isang pangarap. Mga batang pangarap na hindi hinaharang na maling mga paniniwala. Isang pangarap para sa mga kabataang ito na may mahaba pang mga buhay-buhay.
Pero para sa isang nasa halos-dulo na ng kanyang buhay, ang isang pangarap na iyon ay hinarang na ng mga tao. Sapat na ang makita niyang masasaya ang mga kabataang ito. Puno ng sigla, puno ng buhay, puno ng pangarap.
ISANG PASINAYA.
Ang sining at kultura ay sadyang malayo ang agwat sa komersyalismo. Sa Pasinaya 2013, nailalahad ng mga kabataan at estudyante ang kani-kanilang mga sarili. Naipapalasap ang pagmamahal sa kanilang bansang Pilipinas. Ang kani-kanilang artistikong mga katangian.
Hayun na ako sa bungad ng Cultural Center of the Philippines. Kasabay kong naglalakad ang mga estudyante. Sinasalubong kami ng mga naglalakihang dragon- dahil nagsisimula na nu’ng mga oras na yun ang opening ceremonies ng Pasinaya 2013 sa CCP grounds. Isang dragon dance ang pambungad nilang programa.
Sa loob ng CCP, halos nagmukhang Divisoria market ang kapaligiran sa dami ng mga tao. Sari-sari. Pero mas nakakalamang ang mga estudyante. Kasunod ang mga maka-sining na tao- mga direktor ng pelikula, mga pintor, mga mananayaw at mga mang-aawit, mga media people, mga dayuhang namamangha sa festival na yun.
Nagkakagulo. Sari-sari ang mga palabas sa iba’t-ibang venues ng CCP na umabot pa hanggang sa Eskinita ng CCP at sa facade at hallways ng CCP. Lahat ng puwedeng pagtanghalan ay nagamit ng sabay-sabay sa araw na iyon.
Ito nga ang Pasinaya 2013.
Napanood ko ang pagtatanghal ng mga resident companies ng CCP ng tulad ng Ramon Obusan Folkloric Dance Group, Philippine Philharmonic Orchestra, Ballet Philippines, Tanghalang Pilipino, Philippine Madrigal Singers, Bayanihan Philippine National Folk Dance Company, at iba pa. nariyan din ang iba’t-ibang theater groups mula sa Ateneo, De La Salle University, Chiang Kai Shek College, at iba pa. Mga choral groups din mula sa U.P. Los banos, U.S.T., at iba pa. Sankaterba!
AT, ISANG TAHANAN.
Tulad ng isang ibon na buong layang lumilipad, ang mga artistikong kaluluwa ay naghahanap rin ng mapupugaran. Mapapahingaan. Mahihigaan…
Isang tahanan.
Isang tahanang magsisilbing “meeting place” ng bawat taong marunong magmahal at magpahalaga. Mga taong marunong lumikha at magbigay. Mga taong marunong magpahalaga at magsilbi.
SILA ANG MGA ARTISTIKONG NILALANG.
At sa Cultural Center of the Philippines, nagkita-kita silang lahat. Wala ito sa edad. Wala rin sa yaman. Wala sa estado ng buhay…
Ang mahalaga, ang tahanan ng Cultural Center of the Philippines ay NAGBUKAS NA.
PARA SA LAHAT.
PARA SA PASINAYA!
(sinulat ni robert manuguid silverio)



















